CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station sa pagbaril at pagpatay kagabi sa isang pulis na residente ng Sipat Street, Barangay District 3, Cauayan City ngunit nakatalaga sa pulisya sa Luna, Isabela.
Patay na nang idating sa ospital si SPO1 Eduardo Argonza, 40 anyos, naging intelligence operative ng Cauayan City Police Station bago naitalaga sa Luna Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Pio Rañeses ng Cauayan City Police Station na sa kanilang paunang imbestigasyon, nag-iinuman si SPO1 Argonza at mga kaibigan sa loob ng kanilang tindahan na nasa gilid ng lansangan nang tumigil ang riding-in-tandem criminals.
Ang isa sa dalawang suspek ay bumaba sa motorsiklo at nagtungo sa bintana ng tindahan at dito inilusot ang baril saka pinagbabaril ng maraming beses ang biktima.
Ayon kay P/Chief Inspector Rañeses, umabot sa 12 hanggang 13 tama ng bala ng hindi pa matukoy na uri ng baril ang tinamo ng biktima.
Ang mga suspek ay nakasuot ng helmet na agad tumakas gamit ang walang plakang motorsiklo patungong barangay Labinab, Cauayan City.
Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Senior Inspector Reynaldo Viernes, hepe ng Luna Police Station na hindi niya akalain na mangyayari ito sa kanyang pulis na 5 buwan pa lamang na nakatalaga sa kanilang himpilan.
Ayon kay Viernes, wala silang alam na banta sa buhay ni SPO1 Argonza.
Makikipagtulungan sila sa mga kasapi ng Cauayan City Police Station upang malutas ang pagpaslang sa kanyang tauhan.
Nanawagan din siya sa mga nakakita sa krimen na makipagtulungan.




