CAUAYAN CITY – Humigit kumulang dalawamput isang kilo ng hinihinalang cocaine ang narekober ng pulisya sa dalampasigan na sakop ng Dipugo, Divilacan, Isabela.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Jonathan Ramos, hepe ng Divilacan Police Station, unang nakita ng dalawang speed boat operator ang isang plastic container at nang buksan ito ay nakita ang mga pakete na may lamang puting powder.
Sa isinagawang imbentaryo ng pulisya, labing walong pakete na may timbang na isang kilo kada piraso ang narekober mula sa loob ng nasabing plastic container.
Ayon pa kay Sr. Insp. Ramos, ang nasabing mga items na may pare-parehong laki ay maayos na nakalagay sa loob ng container at nakabalot ng packaging tape.
Narekober ang mga items 100 metro ang layo mula sa dalampasigan ng dagat.
Sa ngayon ay idinala na sa PNP-Crime Laboratory sa Tuguegarao City ang nakumpiskang item upang isailalim sa pagsusuri at matukoy kung positibong cocaine.
Tinatayang umaabot sa 100 million pesos ang halaga ng narekober na hinihinalang cocaine.




