CAUAYAN CITY – Hindi maaapektuhan ng pagiging drug free municipality ng Divilacan, Isabela ang pagkakatagpo ng container na may 18.8 kilo ng cocaine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Louella Tomas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 na napadpad lamang sa baybayin ng Divilacan ang container na naglalaman ng illegal na droga kaya hindi ito makakaapekto sa pagiging drug free ng nasabing coastal town ng Isabela.
May mga parameters aniya na naging batayan kaya naideklarang drug free ang Divilacan noong Hulyo 2017.
Ang dapat gawin aniya ng hepe ng pulisya ng Divilacan ay gagawa ng report hinggil sa pagkakatagpo sa container na naglalaman ng cocaine.
Ito ay ibibigay sa kanila at ibibigay din nila sa kanilang national headquarters.
Pinuri ni Bb. Tomas ang pagiging mulat ng mga mamamayan sa Divilacan sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
Ang mga nakatagpo sa container na naglalaman ng droga ay nagreport sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na siyang nagreport naman sa himpilan ng pulisya hinggil sa pagkakatagpo sa container na naglalaman ng cocaine.
Ang narecover na cocaine ay dadalhin sa national headquarters ng PDEA sa Quezon City para suriin kung kasama ito ng container na naglalaman ng cocaine na natagpuan noong January 5, 2018 sa baybayin ng Matnog, Sorsogon.




