CAUAYAN CITY- Gumagawa na ng sariling hakbang ang Filipino Community sa Hualien, Taiwan upang matulungan ang pamilya ni Melody Albano De Castro, 29 anyos at residente ng Abulog, Cagayan na nasawi sa naganap na 6.4 magnitude na lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Loida Salazar Hu, tubong Cauayan City, may-ari ng restaurant at presidente ng Filipino Community sa Hualien, Taiwan na kapag may mga Pilipinong nahaharap sa suliranin doon ay nagbibigay sila ng tulong.
Mangangalap aniya ng tulong pananalapi ang Filipino Community sa Hualien upang mabigyan ng tulong ang pamilya ng Pinay caregiver.
Inihayag pa ni Ginang Hu na nakikipagtulungan na rin sila Manila Economic and Cultural Office (MECO) para sa mabilis na repatriation sa bangkay ni De Castro.
Sa ngayon ay inaayos na ang mga labi ni De Castro para mabigyan ng lamay ng Filipino Community sa Hualien.
Ayon kay Gng. Hu, inihayag ng MECO na inaayos na ang mga papeles ng pamilya ni De Castro upang makapunta sa Taiwan at maiuwi ang bangkay ng Pinay caregiver.




