CAUAYAN CITY- Patay ang isang bata matapos malunod sa fishpond malapit sa kanilang bahay sa barangay Villa Gonzaga,Cauayan City.
Ang bata ay si Jelyn Deceree Juan, 2 anyos.
Sa pagsisiyasat ng station 1 ng Santiago City Police Office ( SCPO), abala umano sa panonood ng telebisyon ang tatay ng bata nang dumating ang Lola at tinanong kung nasaan ang bata.
Dahil dito hinanap nila ang bata sa loob ng bahay subalit noong hindi nila matagpuan ay hinanap nila sa paligid ng bahay.
Sa kanilang paghahanap ay isang lalaki ang nagsabi sa kanila na may batang palutang-lutang sa fishpond ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay.
Pinuntahan ng pamilya at nakumpirmang ito ang batang hinahanap nila.
Agad na dinala sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pulisya nakalimutan umanong isara ng caretaker ng fishpond ang bakod nito kung kaya nakapasok ang bata.




