CAUAYAN CITY – Tulad ng mga nagdaang kilos protesta ng PISTON sa Kalakhang Maynila, hindi makikiisa ang PISTON sa Isabela sa panibagong kilos protesta ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rolando Sayago, pinuno ng PISTON sa Isabela na nagkaroon na sila ng dayalogo noong ika-17 ng Enero 2018 sa mga opisyal ng LTFRB Region 2.
Sa pakikipag-dayalogo nila kay Regional Director Nasrudin Talipasan ng LTFRB Region 2 ay ipinarating nila ang kanilang mga hinaing kontra sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ipinarating nila ang kahilingan na kung maaari ay ayusin na lamang ang katawan ng kanilang mga sasakyan dahil matitibay pa naman kaysa bumili ng mga mahal na bagong sasakyan.
Hiniling din nila na habang wala pa ang mga kapalit ng mga sasakyan nila ay walang mangyayaring hulihan.
Nangako umano si director Talipasan na ipaparating niya sa kanilang punong tanggapan ang kanilang kahilingan.
Gayunman, hanggang ngayon ay hinihintay pa ng grupo nina Ginoong Sayago ang resulta ng kanilang mga kahilingan sa LTFRB Region 2.
Aniya, nakikisimpatiya sila sa ginagawa ng pangulo ng PISTON na si George San Mateo at sana pakinggan ng pamahalaan ang kanilang ipinaglalaban.




