CAUAYAN CITY – Muling idaraos ngayong taon sa City of Ilagan Sports Compex ang 2018 Philippine Athletics Championship na ang tawag dati ay Philippine National Open Invitational Athletics Championships.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City of Ilagan Information Officer Paul Bacungan na nakatakdang isagawa sa ikalabimpito hanggang ikadalawamput isa ng Mayo 2018 ang nasabing sporting event.
Noong nakaraang taon ay unang isinagawa ang nasabing sporting event maging ang 12th South East Asia Youth Athletics Championship na dinaluhan ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Timog Silangang Asya.
Dahil sa mahusay na serbisyo at pagiging hospitable ng mga Ilaguenio ay muling napili ng PATAFA ang kanilang lugar na pagdarausan ng Philippine Athletics Championship
Ayon kay Ginoong Bacungan, sa susunod na linggo ay magpupulong ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang talakayin ang mga paghahanda.
Magiging abala aniya ang pamahalaang lunsod ng Ilagan dahil sa ikaapat ng Mayo ay idinaraos ang Aggao ng Ilagan na susundan ng Mammangi Festival at sa Mayo rin gaganapin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Aayusin din ang mga pasilidad na gagamitin sa Philippine Athletics Championship tulad ng pagdagdag sa mga ilaw sa oval. Puntirya ng Lunsod ng Ilagan na maging sports hub sa ikalawang rehiyon kaya nais na maging maayos at matagumpay ang pagdaraos ng nasabing national sporting event.




