CAUAYAN CITY – Nasa 7 drug personality na ang napasuko ng tokhang team ng Cauayan City Police Station sa pagpapatupad ng ikalawang yugto ng Oplan Tokhang .
Sa panayam ng bombo radyo cauayan kay P/Chief Insp.Benigno Asuncion, ang Tokhang team leader at deputy chief of police ng Cauayan City police station, kanyang sinabi na patuloy ang kanilang pagkatok at paghikayat sa mga drug personality na sumuko at tuluyang magbagong buhay.
Batay sa talaan mula sa directorate for intelligence ng kampo krame, nasa limamput apat na drug personality ang kailangan nilang mapasuko.
Sa nasabing bilang, ang lunsod ng Cauayan ang may pinakamaraming bilang sa Isabela bagamat hiwalay ang Santiago City.
Ilan sa mga suliranin nina P/Chief Insp.Asuncion sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang ay ang pagtukoy sa lugar kung saan nakatira ang mga drug suspect na nasa listahan, double entry at fictitious name.
Kapag namonitor nila na ang isang drug surrenderer na bumalik sa illegal na gawain ay isinasailalim nila sa drug operation.
Ang pinakahuling nadakip sa isinagawa nilang drug buy bust operation ay si Christopher Albano na residente ng Baringin Sur, Lunsod ng Cauayan na nadakip sa isang hotel sa barangay Cabaruan.
Si Albano ay una ng sumuko noong 2016 ngunit siya’y bumalik sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, sinabi ni Chief Insp. Asuncion na mayroon nang naunang idineklara na drug cleared sa forest region tulad ng Carabbatan Grande at Casafuera ngunit sa poblacion area ay wala pa.




