CAUAYAN CITY- Naniniwala si Brig. General Perfecto Rimando Jr. Commanding General ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela na kontrolado pa rin ang kilos ng mga NPA na tinaguriang terorista ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa heneral, ang sunud-sunod na pagsuko ng mga kasapi ng NPA at ang Militia ng Bayan lalo na sa lalawigan ng Cagayan ay palatandaan na humihina na ang kanilang grupo.
Gayunman, kahit na humihina ang kanilang puwersa ay may kakayahan pa rin silang maghasik ng lagim tulad ng pagsunog at pagtanim ng landmines.
Binatikos din ng opisyal ang hangarin ng mga rebelde na pag-unlad ng bansa subalit taliwas naman ito sa kanilang ginagawa at bantang pagsira sa mga soft target at paglusob sa himpilan ng pulisya sa mga lugar na sakop ng 5th ID.
Hinikayat din niya ang mga mamamayan sa mga barangay na magbigay ng impormayon sa mga otoridad.
May sarili aniyang inteligence ang 5th ID ngunit malaking tulong ang sumbong at impormasyon ng mga mamamayan.
Sinabi ni Brig gen. Rimando na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng militar sa iba’t ibang himpilan ng pulisya gayundin sa mga mamamayan upang matuldukan na ang problema sa insurhensiya sa lambak ng Cagayan.




