--Ads--

CAUAYAN CITY – Nais ni Senador Bam Aquino na makita sa susunod na committee hearing sa March 23, 2018 ang mga kongkretong hakbang na ginawa ng mga telecomunication companies para malutas ang reklamo hinggil sa pagkawala ng mga prepaid load.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Senador Aquino, chairman ng Senate Committee on Science and Technology na sa nakaraang hearing ay nangako ang mga telco na i-audit ang mga value added service provider at kakasuhan kung matutuklasan na may faudulence o panloloko sa mga nawawalang load.

Ayon sa senador, ang hinahanap nila sa mga telco ay ang mga hakbang para malutas ang reklamo dahil wala pa ring ipinagbago 10 taon na mula nang isagawa ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng reklamo noon ni dating Senador Juan Ponce Enrile.

Sinabi pa ni Senador Bam Aquino na sa March 23 hearing ay nais din nilang malaman ang malinaw na solusyon sa reklamo ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Trade and Industry DTI) dahil hindi nila titigilan ang issue hanggat walang solusyon.

--Ads--

Sinabi ni Senador Aquino na ang simpleng mungkahi niya sa mga telco para malutas ang reklamo ng pagkawala ng load, ang bawat papasok at bawat palabas sa load wallet ay may text o notification.

Kung may notification na hindi sinang-ayunan, dapat may grace period na puwedeng tumawag na walang bayad at ipa-reverse ang charges.

Ito ay nangyayari sa ibang bansa at isa ito sa mga best practices na puwedeng gawin ng mga telco sa Pilipinas.