CAUAYAN CITY – Balak bumuo ng Isabela State University ( ISU ) ng International Network on Climate Change Adaptation and Disaster Risk Reduction Management na natatangi sa lahat ng State Universities ang Colleges sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ricmar Aquino, President ng Isabela State University System na magtutungo sila sa Taiwan upang matuto sa mga ginagawa nilang paghahanda kapag mayroong bagyo.
Anya magpupunta sila roon upang alamin ang mga teknolohiyang maaring ma-adapt ng bansa at upang ibahagi rin ang teknolohiya o gawain ng bansa.
Sinabi pa ni Dr. Aquino na makikipag-negosasyon sila sa National Taiwan University upang maipatayo sa Isabela State University ang nasabing proyekto.
Ayon pa kay Dr. Aquino, naisip nila ang nabanggit na hakbang upang matulungan ang pamahalaan na bumuo ng matatag na komunidad.
Ito ay katulad ng ginawa nila sa Taiwan na hindi lamang ang paghahanda para sa mga mamamayan sa mga kalamidad kundi pati na rin ang agrikultura at kalusugan.
Hihikayatin din ng ISU ang mga lokal na pamahalan sa pagpapatupad ng mga magiging kalabasan ng kanilang proyekto.




