--Ads--

CAUAYAN CITY – Tuluyan nang nasampahan ng kaso ang isang security guard na nasamsaman ng baril habang nasa loob ng bahay inuman sa San Mateo, Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP San Mateo Isabela, walang maipakitang papeles ng baril si Rengie Diaz, 21 anyos na mula sa security agency na kanyang pinaglilingkuran kaya tuluyan siyang sinampahan ng kaso sa hukuman.

Una rito, nadakip si Diaz sa loob ng bahay inuman na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang habang nasa impluwensiya ng alak.

Naalarma ang mga tao na nakakakita sa suspek kaya ipinabatid nila ito sa himpilan ng pulisya.

--Ads--

Sinabi ng security guard na natatakot siyang iwan ang kanyang baril kaya dinala niya ito sa bahay inuman.

Ayon sa PNP San Mateo, mali ang pagdadala ng baril ng security guard sa loob ng bahay inuman dahil nagdulot ito ng pagkaalarma ng mga nakakita sa kanya.

Hanggang ngayon ay nasa pangangalaga ng himpilan ng pulisya si Diaz matapos ma-inquest sa hukuman ang kanyang kaso.