CAUAYAN CITY – Napromote bilang Major General si Brigadier General Perfecto Rimando, Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army na nakahimpil sa Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Jefferson Somera, Division Public Affairs Chief ng 5th ID na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naggawad ng ranggo kay Major General Perfecto Rimando sa bayan ng Santa Ana, Cagayan.
Magugunitang nagtungo noong Miyerkoles sa Santa Ana, Cagayan ang Pangulo upang saksihan ang pagsira sa mga smuggled luxury car nang ipaalala sa kanya ni Assistant Secretary Bong Go ang tungkol sa pagbibigay ng ranggong Major General kay Brig. General Rimando.
Si Major General Rimando ay tubong Naguilian, La Union at nakapangasawa dito sa Isabela.
Sinabi pa ni Captain Somera na ang magandang record sa paninilbihan ang dahilan upang irekomenda ang opisyal para sa mas mataas na ranggo.
Samantala inihayag din ni Captain Somera na tuloy-tuloy ang security operation sa lalawigan ng Isabela at Cagayan at ang pagtulong sa mga sibilyan.




