--Ads--

Mabenta na ang mga panindang isda sa Cauayan City ngayong Semana Santa

CAUAYAN CITY – Unti-unti nang nararamdaman ng mga nagtitinda ng isda sa pribadong pamilihan ng Cauayan City ang magandang kita ilang araw bago ang Semana Santa.

Ayon sa negosyanteng si G. George Lopez, gumaganda na ang bentahan ng tilapia na madalas binibili tuwing sumasapit ang mahal na araw.

Sa ngayon ay hindi pa sila nagtataas ng presyo ng bawat kilo na P/120.00 ngunit sakaling magtaas ng presyo ang kanilang pinagkukuhanan ng isda ay aasahang magtataas din sila ng hanggang P10.00 sa kada kilo.

--Ads--

Ayon pa kay G. Lopez, kung dati ay nakakapagbenta siya ng 50 kilo ng tilapia bawat araw, ngayon ay umaabot na sa 100 kilo bawat araw.

Sa kabila ng pagtaas ng kanilang benta ay suliranin pa nila ang mataas na bayarin sa kanilang puwesto sa Pribadong Pamilihan ng Cauayan City.

Maging ang mga nagtitinda ng mga bangus, galunggong at iba pang uri ng isda ay inaasahang mabenta pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.