CAUAYAN CITY –Nakilala na ang nakasakong bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa barangay Pangawan, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Inspector Orlando Tacio, hepe ng Kayapa Police Station, sinabi niya na ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang identification card sa loob ng isang bag na natagpuan malapit sa kanyang bangkay.
Ang biktima ay si Silvestre Yudong, 45 anyos, may-asawa at residente ng Poblacion, La Trinidad, Benguet.
Ayon kay Chief Inspector Tacio, ang bangkay ng biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo.
Agad na nakipag-ugnayan ang pinuno ng Kayapa Police Station sa La Trinidad Police Station at napag-alaman na ang biktima ay dating bilanggo at nakalaya tatlong taon na ang nakalipas.
Ang bangkay ng lalaki ay nakalagak ngayon sa isang punerarya sa Bambang, Nueva Vizcaya habang hinihintay ang kanyang pamilya.




