CAUAYAN CITY – Ipinalabas na ng Isabela Police Provincial Office sa Cauayan City Police Station ang security plan na ipapatupad kasabay ng pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival 2018 sa Cauayan City.
Ito ay batay na rin sa kahilingan ni Dr. Ricmar Aquino, Director General ng nasabing Festival.
Batay sa memorandum na ipinalabas ng Acting Police Provincial Director, inaatasan ang mga kasapi at opisyal ng Cauayan City Police Station na siyang tututok sa Gawagaway-yan Festival.
Itinalaga si Police Supt. Narciso Paragas bilang over-all Supervisor sa pagpapatupad ng security provision habang si Police Chief Inspector Benigno Asuncion, Deputy Chief of Police ang magsisilbing ground commander at implementor ng nasabing security Plan.
Si Police Chief Inspector Jane Abegail Bautista, Chief Admin Section ang inatasan na Bumuo ng mga security personnel at siya ring inatasang magbigay ng kautusan sa kanila habang si Police Senior Inspector Ranulfo Gabatin, Chief ng intelligence at investigation Section ang inatasang mag-monitor sa posibleng banta o grupong posibleng magdulot ng kaguluhan sa pagdriwang ng Festival.
Habang si Police Chief Inspector Asuncion ay inatasan ding magdeploy ng mga pulis sa FLDY Coliseum pangunahin na sa mga lugar na pupuntahan ng mga VIP.
Maghahain din ng ulat si Chief Insp. Asuncion sa IPPO kung may di kanais nais na pangyayari at kinakailangang makipag-ugnayan sa Chief Operations and Plans Branch ng IPPO para sa augmentation ng Isabela Provincial Public Safety Company
Si Chief Inspector Asuncion din ang kinakailangang makipag-ugnayan din sa Public Order and Safety Division o POSD Cauayan para sa ipapatupad ng traffic scheme habang si Police Senior Inspector Essem Galicia, Chief ng Women and Children’s Protection Desk at Police Community Relations Officer ng PNP Cauayan City ang magiging team leader ng Incident Managament Team.
Makikipag-ugnayan din sa General Services Office para sa mga gagamiting sasakyan, mga pagkain, tubig at iba pang kinakailangan sa Festival si SPO4 Rodel Lamberto Gannaban, Chief ng Logistics Section.
Si Senior Inspector Randy Carbonel, Chief ng SWAT Traffic Patrol ang magsisilbing pinuno ng Reactionary Unit Team ng SWAT at magbibigay seguridad sa mga VIPs na dadalo sa Gawagaway-yan Festival.
Matapos anya ang pagunita ng Semana Santa ay magkakaroon ng pulong ang mga kasapi ng Cauayan City Police kaugnay sa security plan na ipapatupad kasabay ng pagdiriwang ng nasabing Festival.




