CAUAYAN CITY – Namatay ang isang lalaki matapos barilin kagabi ng kaniyang kainumang pinsan sa Barangay District 1, San Manuel, Isabela.
Ang biktima ay si Arjay Coloma, 35 anyos, residente ng Alabang Muntinlipa City at nagbakasyon lamang sa Vira Roxas, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan San Manuel Police Station, pumunta ang biktima sa bahay ng suspek na si Jesus Muerte Santos, isang College graduate at residente ng bayan ng San Manuel para magkipag-inuman.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pagbaril ni Santos sa kanyang biktimang pinsan.
Kaagad namang isinugod sa ospital ang biktima dahil sa natamo nyang isang tama ng Cal. 40 sa likurang bahagi ng kaniyang ulo na nagresulta ng kaniyang pagkamatay.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng PNP San Manuel habang ang katawan ng biktima ay nasa isang punerarya ng bayan ng San Manuel.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo ng pamamaril.




