CAUAYAN CITY- Natagpuang wala nang buhay ang hindi pa nakikilalang lalaki sa gilid ng sementeryo ng pamilyang napadaan sa lugar sa barangay Malalinta, San Manuel, Isabela.
Ang lalaki ay tinatayang nasa 35 anyos hanggang 40 anyos, 5’5” ang tangkad, kayumanggi ang balat, na nakasuot ng itim na t-shirt, maong na pantalon, pink na belt at tsinelas na kulay blue.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr. Insp. Francis Pattad, hepe ng San Manuel Police Station, napadaan umano sa sementeryo ang pamilya ni G. Reymundo Astracillo nang kanilang matanaw ang bangkay ng lalaki at agad nilang ipinagbigay alam sa himpilan ng pulisya.
Sinabi pa ni Sr. Insp. Pattad na tinatayang itinapon sa lamang sa nasabing lugar ang bangkay ng lalaki.
Anya, maaring hindi residente ng naturang bayan ang biktima dahil wala pang nagtutungo sa kanilang bayan upang magpa-blotter kaugnay sa nawawalang kamag-anak.
Sa ngayon ay sinasailalim pa sa pagsusuri ang bangkay para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
Napansin naman ang mga pasa sa katawan ng biktima na palatandaang pinahirapan muna bago pinatay.
Nananawagan din ang opisyal sa mga nawawalan ng kamag- anak na makipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya.




