CAUAYAN CITY – Daan–daang bilanggo ng Bureau of Jail and Penalogy ( BJMP ) Cauayan City ang inaasahan na makikinabang sa kasunduan na inihahanda ng Junior Chamber International (JCI ) at TESDA Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCI President Aira Jane Pineda, kanyang sinabi na layuning ng Memorandum of Agreement (MOA) na mapagkalooban ng skills at livelihood training ang mga tinatawag na persons deprived of liberty.
Naniniwala ang kanilang samahan na malaking bagay para sa mga nakakulong na mapagkalooban ng mga kasanayan na maaari nilang magamit habang nasa loob ng bilangguan.
Inihalimbawa niya na maaaring gamiting income generating project ang paggawa ng key chain at tutulong sila upang maibenta at maipakilala sa merkado.
Tuturuan din ang mga bilanggo sa tamang pamamaraan ng paghilot, pagmasahe, pag-manicure sa mga kababaihan at iba pang kasanayan.
Anya, kinakampanya nila ang aktibong pakikibahagi ng publiko sa mga serbisyo na makakatulong sa mga higit na nangangailangan.




