CAUAYAN CITY – Sinampahan ng kasong Qualified Theft at Bribery ng Cauayan City Police Station ang isang babaeng unang nag-ulat na siya’y naholdap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr.Insp. Ranulfo Gabatin na sinampahan na ng kakulang kaso ang suspek na si Janet Castaneda, 31 anyos, business supervisor at residente ng Cabaruan, Cauayan City.
Una rito, nagtungo sa himpilan ng pulisya si Castaneda upang iulat na siya’y hinoldap umano ng isang tsuper ng traysikel at tinangay ang kanyang bag na may laman na umaabot sa P/400,000.00.
Ayon pa kay P/Sr. Insp. Gabatin, dahil nakaka-alarma ang nasabing ulat ay agad silang nagsagawa ng operasyon ngunit kalaunan ay umamin din si Castaneda na nagastos niya ang collection ng kanilang kompanya.
Para maiwasan na siya’y kasuhan, tinangka niyang suhulan ang mga pulis ng P/129,000.00.




