CAUAYAN CITY – Hindi nasunod ang tamang proseso kaya hindi kinilala ni Mayor Johnny Sevillena ang suspension order na isinilbi ng DILG noong ikalima ng Abril 2018.
Dahil dito ay patuloy siyang pumapasok sa munisipyo ng Bagabag sa kabila ng tatlong buwang suspension order ng Tanggapan ng Ombudsman.
Ito ay parusa ni Mayor Sevillena kasama si Bise Mayor Ed Afalla, apat na kasapi ng Sangguniang Bayan at apat na department heads matapos gawin ng Ombudsman na simple misconduct ang gross negligence of duty at grave misconduct na isinampa ni dating SB member Ferdinand Douglas Inaldo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Sevillena na tanggap niya ang suspension order ng Ombudsman ngunit ang kinukuwestiyon niya ay ang proseso ng pagsisilbi ng DILG dahil ipinost o idinikit lamang ng mga nagsilbi ang dala nilang memorandum at hindi niya tinanggap nang personal.
Ito ay dahil nang araw na isilbi ang order ay nasa Lunsod siya ng Davao para dumalo sa isang convention. Iginiit ng mayor na legal ang kanyang biyahe dahil binigyan siya ni Gov. Carlos Padilla ng authority to travel. Batid aniya ito ng DILG dahil nabigyan sila ng kopya.
Ayon kay Mayor Sevillena, noong Marso 2018 pa nila natanggap ang suspension order ng Ombudsman ngunit nataon na wala siya sa munisipyo nang isilbi ito ng mga opisyal ng DILG kaya hindi niya kinikilala.
Sinabi ni Mayor Sevillena na ang mga kasama niyang sinuspindi ay nasa munisipyo kaya tinanggap nila ang order na isinilbi ng DILG kaya pinagsisilbihan na nila ito.
Nilinaw niya na tatanggapin niya ang panibagong pagsisilbi ng DILG pagkatapos ng election period.




