CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka makaraang malunod sa Pinacanauan River sa San Mariano, Isabela.
Ang nalunod ay si Narding Cubangbang, 45 anyos, binata, magsasaka at residente ng La Union, Naguillian, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Bernard Matipo, pinsan ng biktima na marami silang magka kamag-anak na dumayo at nagpicnic sa naturang ilog.
Matapos umano silang makaubos ng ilang bote ng alak ay nagpasyang maligo ang biktima sa ilog ngunit nagawi sa malalim na bahagi ng ilog na sanhi ng kanyang pagkalunod.
Inaawat anya nila ang biktima na magtungo sa malalim na bahagi ng ilog ngunit nagtuloy tuloy hanggang sa hindi na nila makita.
Inihayag pa ni G. Matipo na nagtulong tulong ang mga rescuers ng LGU San Mariano, mga pulis at mga mangingisdang sa paghahanap sa biktima.
Nakita ang biktima sa ilalim ng ilog na wala nang buhay.




