CAUAYAN CITY – Isang Certified Public Accountant o CPA at Budget Officer ng LGU Bagabag sa Nueva Vizcaya ang number 8 sa Bar Exam 2017 na si Atty. Krizza Fe Alcantara-Bagni na nagtapos ng Bachelor of Laws sa Saint Mary’s University o SMU sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging eksklusibong panayam ng BombO Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Bagni, dalawamput pitong taong gulang na napaiyak siya nang malaman na hindi lang siya nakapasa sa Bar Exam kundi nasa top 10 pa.
Sinabi niya na nagtungo siya sa bayan ng Bayombong para doon alamin ang magiging resulta ng Bar Exam dahil hindi niya alam ang magiging reaction niya kung sakaling hindi siya makapasa.
Si Atty. Bagni ay nagtapos noong 2011 ng Bachelor of Science in Accountancy o BSA sa Aldersgate College sa Solano, Nueva Vizcaya.
Naging accountant at naglilingkod sa LGU Bagabag bilang Budget Officer.
Ang kanyang ina ay isang negosyante habang ang kanyang ama ay isang magsasaka.
Kahit mayroon nang asawa at anak at nagtatrabaho sa gobyerno ay binigyan ni Atty. Bagni ng panahon ang pagkuha ng Bachelor of Laws.
Siya ay nagtapos noong 2017 sa SMU at agad na kumuha ng Bar Exam.
Naging inspirasyon niya ang kanyang asawa at anak tiniis na malayo sa kanila sa maraming linggo na pagre-review.
Sinabi niya sa kanyang sarili na kailangan niyang maipasa ang Bar Exam para may kapalit ang kanyang sakripisyo at mga gastos.
Sinabi ni Atty. Bagni na wala pa siyang plano matapos makapasa sa Bar Exam ngunit malugod niyang tatanggapin ang anumang oportunidad na darating sa kanya.




