CAUAYAN CITY – ‘Pagod na sa pagtatago sa bundok at napagtanto na walang ipinaglalaban’.
Ito umano ang sinabing dahilan ng dalawang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan o NPA na sumuko kasama ang 17 kasapi ng militia ng bayan sa Natonin Mt. Province.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni 2nd Lt. Bebs Pacumba ng Civili Military operations ng 54th Infantry Battalion Philippine Army na ang pagsuko ng dalawang NPA at mga kasapi ng militia ng bayan bunga ng pagtutulungan ng 54th IB at 77th IB sa pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyal ng barangay ng Saliok, Natonin, Mt. Province.
Ang mga sumuko ay galing sa mga lalawigan ng Ifugao, Mt. Pronvince at Cagayan.
Ang mga kasapi ng militia ng bayan ang nagbibigay ng impormasyon at logistics support sa mga NPA.
Ang iba ay hindi nila alam na kasapi sila ng militia ng bayan dahil sa panlilinlang sa kanila ng mga rebelde.
Nalalaman lamang nila kapag ipinabatid na sa kanila ng mga opisyal ng barangay at militar.




