CAUAYAN CITY – Sasampahan ng patung-patong na kaso ang mga miyembro ng New People’s Army ( NPA ) na nag-recruit at umabuso sa isang 16 anyos na dalagita na naging kasapi ng kilusan noong trese anyos lamang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Army Capt. Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela na noong Abril ay dalawang beses na sinaktan si Ka Trese dahil tinanggihan niya ang ipinag-uutos sa kanya na pumatay.
Dahil sa pananakit sa kanya ay ipinasya ng kabataang rebelde na tumakas.
Nang makarating siya sa Mt. Province Police Provincial Office na malapit din sa kampo ng 77th Infantry Battalion Philippine Army ay nahimatay ang batang rebelde dahil sa sobrang pagod kaya isinugod sa pagamutan.
Si Ka Trese ay pinagkatiwalan at ginawang tagatiktik at utusan umano ng mga NPA.
Tiniktikan niya ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan, pulisya at militar.
Mataas ang naging tiwala sa menor de edad kaya ginawang tagalikom, tagakolekta ng impormasyon at datos tungkol sa isang subject.
Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga NPA ay ang paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law at paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na nilagdaan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.
Bukod pa rito ang kasong maaaring isampa dahil sa pananakot, pambubugbog, pagtutok ng baril sa kabataang rebelde.
Ayon kay Capt. Somera, si Ka Trese ay ipinasakamay sa DSWD para sa debriefing at counselling.




