CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Comelec Cauayan City na marami na silang natatanggap na report hinggil umano’y vote buying o pagbili ng boto ng ilang kandidato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni election officer Epigenia Marquez ng Comelec Cauayan City na batay sa kanilang mga natanggap ay nagkakahalaga umano ng P250 hanggang P1,500 ang ibinibigay umano ng mga kandidato sa pagka-punong barangay at barangay kagawad.
Gayunman, nilinaw niya na kailangan muna nila ng ebidensiya ng mga nagbigay at tumanggap ng pera.
Maraming reklamo rin ang kanilang nakatanggap hinggil sa hindi tamang pagkakabit ng mga campaign materials ng mga kandidato.
Hinikayat ng election officer ang mga mamamayan na kunan ng larawan ang mga maling gawain ng mga kandidato at kanilang supporters para may ebidensiya.