--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang anak ng isang ginang sa Bombo Radyo Cauayan na umuwi na para makita ang bangkay ng kanilang ama na nagpakamatay matapos dibdibin ang paglayas ng kanilang ina.

Ang anak ng nagpakamatay na si Melchor Gammad ng Ponggo, Nagtipunan, Quirino na si Marnel Gammad ay nagtungo mismo sa Bombo Radyo Cauayan para ipanawagan ang pag-uwi na ng kanilang ina na si Gng. Myrna Gammad, mahigit limampung taong gulang.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Marnel na patay na at matigas na ang katawan ng kanilang ama nang gisingin ng kanilang kapatid.

Uminom umano ng liquid na pamatay ng damo ang kanilang ama na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

--Ads--

Ayon kay Marnel, nag-away ang kanilang mga magulang mahigit isang buwan na ang nakalipas na naging dahilan ng paglayas ng kanilang ina.

Hinanap nila ng kanyang ama ang ina sa mga lugar na maaari niyang puntahan ngunit hindi nila natagpuan.

Ito umano ang dahilan ng madalas na pag-inom ng alak ng kanilang ama na nagsabing hindi niya kayang mabuhay kung wala ang kanilang ina.

Ito na ang ikalawang beses na naglayas ang kanilang ina.

Noong una ay tumagal lamang ng isang linggo at umuwi rin sa kanilang bahay.

Sinabi ni Marnel na marahil ay labis na dinibdib ng kanilang ama ang hindi na pag-uwi ng kanilang ina kaya humantong ito sa kanyang pagpapakamatay.