--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakatakdang magpalabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Florida Bus kaugnay sa insidente ng pananaga ng isang lalaki sa dalawa nilang pasahero sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Reg’l. Director Nasrudin Talipasan ng LTFRB Region 2 na ipinasakamay na nila sa central office ng LTFRB ang naturang usapin para sa kaukulang disposisyon.

Anya ipapakuha na niya ang mga detalye sa naturang pangyayari sa PNP at pagpapaliwanagin rin umano nila ang operator ang naturang bus.

Aalamin nila kung bakit nakalusot sa mga security personnel ng terminal ang itak ng suspek.

--Ads--

Hihigpitan ng LTFRB ang kanilang compliance inspection sa mga terminal upang tiyakin na walang dala-dalang anumang armas ang mga pasahero.

Kasama anya ang pag-iinspect ng security guard sa mga terminal sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero mula sa pagsakay hanggang sa kanilang pagbaba.

Anya oobligahin din nila ang kompanya ng bus na magbigay tulong sa mga biktima dahil responsibilidad umano nila ang anumang mangyayari sa kanilang pasahero habang sila’y nakasakay.

Magugunitang sugatan ang mga biktimang sina Nathaniel Butial, nasa tamang edad residente ng Reina Mercedes, Isabela at Elvis Saturno, nasa tamang edad at residente ng Santa Teresita, Cagayan.

Habang ang suspek ay si Roger Gayola, 39 anyos, magsasaka at residente ng San Juan, Boguey, Cagayan ay sinasabing nagsasalitang mag-isa bago isinagawa ang pananaga sa loob ng pampasaherong bus.