CAUAYAN CITY – Patay ang isang tsuper ng tricycle matapos makipag-saksakan sa kapwa tsuper sa barangay Centro, Ilagan City.
Ang biktima ay si Melchor Macaling, 35 anyos habang ang suspek ay si Teofilo Cauresma Jr., 33 anyos, may asawa, kapwa residente ng Baculud, Ilagan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PO3 Ryan Ramos, tagasiyasat ng Ilagan City Police Station na dating may alitan ang dalawang sangkot at nakatanggap na rin umano ng banta sa buhay ang biktima sa mga nakaraang araw.
Una nang ipinatala ng biktima sa himpilan ng pulisya ang pagbabanta sa kanya hanggang sa nagkita ang dalawa at nagkaroon ng mainitang diskusyon na nauwi sa saksakan.
Nagtamo ng 15 saksak ang biktima na nagresulta ng kanyang kamatayan habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Nagtamo ng sugat ang suspek na sumuko sa himpilan ng pulisya.
Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso kaya inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong Murder laban sa suspek.




