CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang habang sugatan ang 13 anyos nilang anak matapos pagtatagain ng kanyang mister sa Brgy Sawmill, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Teresita Paculla habang ang suspek ay si Romulo Paculla, 55 anyos gulang at isang butcher .
Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Juancho Crisostomo, hepe ng Villaverde Police Station na isang tawag ang kanilang natanggap kaugnay sa pag aamok ng suspek kaninang madaling araw.
Sa pagtugon ng pulisya ay napilitang sirain ang bintana ng bahay ng suspek at dito tumambad sa kanila ang duguan na ginang na nagtamo ng mga taga sa leeg at kamay habang ang suspek ay hawak hawak pa ang itak na ginamit sa pananaga.
Agad namang nagpasaklolo ang 13 anyos na dalagita na nagtamo ng taga sa ulo at kamay sa mga tumugong pulis subalit muling tinaga siya ng ama sa likuran ng tinangka nitong tumakbo.
Napilitan namang barilin ng isa sa mga pulis gamit ang M16 armalite rifle ang paa ng suspek upang hindi na mahabol ang kanyang anak subalit ng muling undayan ng taga ang dalagita ay dito muling nabaril ang suspek sa kanyang katawan.
Agad namang isinugod ang mag-ina at ang suspek subalit ideneklarang patay ang mag asawa habang ang kanilang anak ay nagpapagaling sa ospital.




