CAUAYAN CITY- Umabot ng mahigit limang oras bago tuluyang natanggal sa pagkakadagan ng isang dumptruck ang namatay na driver ng isang punerarya sa barangay Villa Concepcion, Cauayan City.
Ang biktima ay si Romual Lobendino, 28 anyos, binata at residente ng Magsaysay, Naguilian, Isabela habang ang suspek o driver ng dumptruck ay si Expedito Pascual, 52 anyos, binata at residente ng ng Catabban, Burgos, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, kaninang umaga ay tinatahak ng dumptruck na may kargang graba ang Prov’l road sa nasasakupan ng Villa Concepcion nang marating ang paakyat na bahagi ng daan ay napuslitan ng preno ang sasakyan kaya umatras ito at nabangga ang nakaparadang sasakyan ng punerarya.
Dahil dito, agad na tinakbo ng biktima ang sasakyan ngunit sa kasawiang palad ay sa kanya tumumba ang dumptruck.
Agad namang nakatugon ang rescue 922 ngunit hindi na rin nailigtas pa ang biktima dahil sa pagkakadagan ng kalahati ng kanyang katawan ng dumptruck na tumumba at umabot ng mahigit limang oras bago nakuha ang katawan ng biktima sa pagkakadagan.




