CAUAYAN CITY – Binigyan ng pagkilala ang mga natatanging sundalo kabilang ang mga lumaban sa Marawi City sa katatapos na 37th founding Anniversary ng 5th Infantry Division ngayong araw sa Grandstand ng Camp Melchor Upi, Gamu, Isabela.
Ito ay may temang “5th ID Moving Toward Perfection at 37”.
Natatanging pinagkalooban ng gold cross medal si Private First Class Macna-ir Rejilyana ng Philippine Army.
Nakipaglaban siya sa Marawi City kasama ng kaniyang tropa kung saan nakapatay sila ng 8 terorista, nakarekober ng mga matataas na uri ng baril at iba’t ibang uri ng IED’s at mga bala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Private First Class Rejilyana, inihayag niya na nahirapan sila nung una dahil magagaling ang mga kalaban ngunit pinag-aralan umano nilang mabuti ang galaw ng mga kalaban upang tuluyan nilang matalo.
Nagtiwala aniya sila sa panginoon upang makauwi ng ligtas sa kanilang pamilya at mabawi ang Marawi.
Nagtagal ang tropa ni Private First Class Rejilyana sa Marawi ng limang buwan kung saan sa mahigit dalawandaang ang mga sundalo hindi nakauwi matapos mamatay sa bakbakan.
Naging panauhing pandangal sina Lt. General Rolando Joselito Bautista, ang Commanding General ng Philippine Army, Major General Perfecto Rimando Jr, ang Commander ng 5th ID, P/Senior Supt. Mariano Rodriguez, ang Isabela Provincial Director, Quirino Provincial Director, mga kasapi ng militar at pulis.




