CAUAYAN CITY – Binawian na rin ng buhay ang ama ng guro na naunang namatay matapos mabangga ng truck ang sinasakyan nilang motorsiklo dahil sa makapal na usok ng sinusunog na tubuhan sa bukid malapit sa daan sa Barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela.
Ang namatay ay si Romeo Gelacio, 45 anyos at residente ng Brgy. Marannao, San Mariano, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PO3 Jonimar Baingan, ipinabatid ng pamilya ng biktima na kagabi ay binawian rin ng buhay si Ginoong Gelacio dahil sa malubhang sugat na tinamo sa katawan.
Ito ay matapos mabangga ng isang truck na minamaneho ni Ronald Clavero, 31 anyos at residente ng Brgy. Alibadabad, San Mariano, Isabela ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Una ng binawian ng buhay ang kanyang anak na gurong na si Jeffrey Gelacio, tinatayang 25 anyos.
Hinihintay pa ng San Mariano Police station ang medical certificate ng biktima upang maisampa na ang kasong reckless Imprudence resulting in double homicide and damage to property laban sa tsuper ng truck.




