--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang Asst. Election Officer ng Commission on Elections o Comelec sa San Agustin, Isabela na nagtatago na matapos umanong paputukan ang kanyang nakaalitan sa sugal.

Nangyari ang pamamaril ni Asst. Election Officer Nelson Agpaoa dakong alas sais y medya ng gabi noong Mayo 22, 2018 sa Purok 7, Barangay Panang, San Agustin, Isabela.

Ang kanyang pinaputukan na mapalad na hindi tinamaan ng bala ay ang driver na si Jesus Matias, 38 anyos, may asawa, at residente ng Dumaweng, Jones, Isabela.

Unang itinanggi ni Agpaoa sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ang paratang laban at iginiit na hindi niya kayang magdala at magpaputok ng baril dahil sa kanyang kalagayang pangkalusugan.

--Ads--

Iginiit naman ni P/Senior Inspector Ian Bumanglag, hepe ng San Agustin Police Station na ang isasampang attempted homicide laban kay Agpaoa ay batay sa sinumpaang salaysay ng biktima at mga saksi.

Gagamitin ding ebidensiya ang isang kapsula mula sa pinangyarihan ng pamamaril at ipina-examine sa PNP Crime Laboratory at sa record ng baril ng suspek na hiniling nila sa Firearm and Explosive Office ng Camp Crame.