--Ads--

CAUAYAN CITY – Naging hamon ang kanilang kahirapan at nagsilbing inspirasyon ang mga magulang na nagtaguyod sa kanyang pag-aaral para maging matatag at magpursige na magtapos na magna cum laude sa kanyang kursong Bachelor of Science in Accountancy (BSA) sa Isabela State University (ISU) sa Echague, Isabela.

Inihayag ito ni Bb. Eddielyn Morfe, ang number 3 sa CPA Board Exam na inilabas kapon  ng Professional Regulation Commission (PRC)  ang resulta.

Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bb. Eddielyn  Morfe, residente ng Alicia, Isabela na napalundag siya sa tuwa at nagyakapan sila ng kanyang ina matapos malaman na siya ay number 3 sa CPA Board Exam.

Sinabi ni Bb. Morfe na noong bago ang exam ay inasam niya na mapabilang sa top 10 ngunit pagkatapos ng pagsusulit ay hindi na siya umasa na mataas ang makukuhang rating dahil mahirap ang exam.

--Ads--

Ang ama ni Bb. Morfe ay isang tricycle driver habang vendor ang kanyang nanay at panganay siya sa tatlong magkakapatid.

Sinabi niya na labis siyang nagpapasalamat sa kanyang mga magulang na lubos na nagsikap at nagsakripisyo para maitaguyod ang kanyang pag-aaral.

Dahil sa hirap ng kanilang buhay ay muntik siyang tumigil sa kanyang pag-aaral at muntik ding hindi nakapag-review para sa board exam.

Sinabi ni Bb. Morfe na sa susunod na linggo ay magtutungo siya sa Kalakhang Maynila para lumagda ng kontrata sa isang auditing firm.

Pagkakataon niya ito para makatulong sa kanyang mga magulang at sa dalawa niyang kapatid.

Payo niya sa mga estudiyante lalo na ang mahirap ang kalagayan sa buhay na huwag sumuko kundi maging matibay at matatag sa pagharap sa mga hamon at gawing sentro sa buhay ang Poong Maykapal.