CAUAYAN CITY – Patuloy na nasa Intensive Care Unit ng Southern Isabela General Hospital ( SIGH ) Santiago City ang isang Grade 7 student na nakakaranas ng sintomas ng dengue.
Ang 12 anyos na batang lalaki na si Jerome na anak ni Gng. Remedios Dancel ng Maligaya, Echague, Isabela ay naturukan ng isang shot ng Dengvaxia vaccine Noong Setyembre 2017 habang nag-aaral ng Grade 6 sa isang paaralan sa Quezon City.
Nakatira ang bata sa bahay ng kanyang lola sa nasabing lunsod noong siya ay nag-aaral ng Grade 5 at Grade 6.
Inihatid siya ng kanyang lola sa kanilang bahay sa Echague noong buwan ng Marso dahil sakitin na ang lola.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Dancel, sinabi niya na anim na araw nang nakakaranas ang kanyang anak ng lagnat, pananakit ng ulo at tiyan bago dinala sa Echague District Hospital na nag-refer sa kanila sa SIGH.
Wala umanong doktor ang kumakausap sa kanila kundi ang nurse lamang ang nagsabi sa kanila na namamaga ang puso ng kanyang anak.
Habang nasa ICU ay nakakausap nila ang anak at idinadaing ang pananakit ng kanyang ulo at tiyan.
Sinabi naman ng tiyahin ng bata na si Helen Diaz na may hawak silang card na naturukan ng Dengvaxia vaccine ang kanyang pamangkin habang nag-aaral ng Grade 6 sa Quezon City.
Nababahala sila dahil ang nararanasang sakit ng kanyang pamangkin ay katulad ng mga naranasan ng mga naunang napaulat na naospital na naturukan ng dengaxia vaccine.



