--Ads--

CAUAYAN CITY Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Region 2 kaugnay sa ipinapatupad na 20% discount sa pamasahe ng mga mag-aaral.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni panrehiyong direktor Nasrudin Talipasan ng LTFRB Region 2 na dapat ibigay nang buo sa mga mag-aaral ang 20% discount sa pamasahe kahit na wala silang ID basta sila ay mapatunayang mag-aaral.

Aniya kahit bakasyon at holiday ay ipinapatupad ang diskuwento bilang tulong sa mga mag-aaral at magulang.

Maaari aniyang isumbong sa kanilang tanggapan ang mga namamasadang hindi nagbibigay ng diskuwento sa mga mag-aaral. Maaari itong iparating sa pamamagitan ng pagpunta sa kanilang tanggapan, sa sulat, social media sa pamamagitan ng paghanap sa account ng LTFRB Region 2 sa facebook o sa Email na LTFRBRegion2@yahoo.com.

--Ads--

Ang mga tsuper na lalabag sa nasabing batas ay maaaring mapatawan ng multang P5,000.00 sa unang paglabag, p/10,000.00 sa ikalawang paglabag at P15,000.00 sa ikatlong paglabag.

Maaari ring matanggalan ng prangkisa ang mga tsuper kahit isang araw lang na naganap ang paglabag kung tatlo ang nagreklamong mga mag-aaral.

Hinikayat din niya na kunan ng larawan o video ang paglabag ng mga namamasada upang magkaroon sila ng batayan sa pagsiyasat.