--Ads--

CAUAYAN CITY – Nangako ang Executive Director ng Isabela State University – Cauayan Campus na magbibigay ng financial assistance sa apat na kolehiyala na biktima ng food poisoning.

Ito ay matapos na magreklamo ang isa sa mga biktima na 19 anyos na kolehiyala na residente ng Luna, Isabela sa Bombo Radyo Cauayan dahil sa pagka-confined sa pagamutan ng apat na araw.

Inihayag ni Dr. Precila Delima, ang Executive Director ng ISU-Cauayan Campus sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na binigyan na niya ng direktiba ang Director for Students Affair na asikasuhin ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima at ang pakikipag-ugnayan sa namamahala ng binilhang pagkain ng mga biktima.

Sinabi niya na bago magbukas ang mga stalls ay nagkaroon ng Food Safety Program sa ilalim ng DOST kaya nagulat sila ng malaman ang nasabing pangyayari kaya muli nilang isasailalim sa seminar ang mga food handler para maiwasan ang food poisoning.

--Ads--

Batay naman aniya sa ginawang pagsusuri ng CBAO Director ng ISU-Cauayan sa stalls na pinagbilhan ng pagkain, lumabas na wala itong freezer na posible umanong ito ang dahilan ng pagkakalason ng mga mag-aaral sa kanilang kinain na Siomai

Pansamantala rin umanong ipasasara ang stalls at kinakailangang tumulong sa pagpapagamot ng mga biktima at makompleto ang mga equipment bago muling magbukas upang maiwasan ang pagkakaroon muli ng food poisoning.

Kasunod nito ay pinaalalahanan ang mga estudyante na suriing mabuti ang mga pagkaing kinakain.