CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki na matapos paluin ng isang matigas na bagay ng kanyang mga nakainuman sa Busilelao, Echague, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Echague Police Station, nakilala ang ang mga suspek na sina Rene Sagun, 20 anyos, walang asawa at si Jay Lizada Sales 31 anyos, may-asawa, kapwa residente ng Manjuyod, Negros Oriental habang ang biktima ay si Eugene Balsumo, 27 anyos at residente ng Floridablanca, Pampanga.
Ang mga suspek at ang biktima ay pawang nagtratrabaho sa tubuhan sa Echague, Isabela.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Balsumo at mga suspek hanggang sa humantong ito sa pagpalo ng isang matigas na bagay sa biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Agad tumugon ang Echague Police Station at Echague Rescue team matapos matanggap ang impormasyon sa naganap na kaguluhan.
Nasa pangangalaga na ng Pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sila sa kasong pagpatay.
Pansamantalang nakaburol ang labi ng biktima sa isang punerarya sa bayan ng Echague habang hinihintay ang kanyang mga kamag-anak.




