--Ads--

CAUAYAN CITY –Isang drug surrenderee ang nasamsaman ng illegal na droga habang naninigarilyo sa loob ng pamilihang bayan ng Jones, Isabela.

Ang suspek ay si Gary Gabarda, 35 anyos, isang karpintero at residente ng San Isidro, Jones, Isabela.

Nagpapatrolya ang mga kasapi ng Jones Police Station nang mamataan si Gabarda na nilalabag ang ordinansang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Sinamsam ang sigarilyo ng suspek at isang pakete ng sigarilyo na nakalagay sa kanyang bulsa subalit nakita ang isang sachet ng hinihinalang shabu sa loob ng pakete ng sigarilyo.

--Ads--

Kaagad dinakip ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa pinaghihinalaan.