CAUAYAN CITY- Maraming kabaranggay ng isang binata na dinakip ng mga pulis ang nagtungo sa himpilan ng pulisya para igiit na inosente siya sa paratang na siya ay sangkot sa illegal na droga at nasamsaman ng granada.
Ang dinakip ng mga kasapi ng Cordon Police Station dakong sa may pamilihang bayan ng Cordon ay si Alexander Bedania, 19 anyos at residente ng Turod Sur, Cordon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ador Bedania, ama ni Alexander na noong gabi ng Lunes ay nagtungosa peryahan ang anak kasama ang kanyang misis at iba pa.
Nang yayain nang umuwi ng kanyang misis at kanilang anak ay sinabi niya na mauna na sila dahil aayusin pa ang kanyang motor.
Habang inaayos ang motor ay nilapitan umano siya ng ilang lalaki na hindi niya inakalang mga pulis.
Natakot umano ang binata dahil hindi naka-uniporme ang mga lalaki at nakainom pa umano ng alak kaya siya ay tumakbo ngunit nahabol at nadakip siya at dinala sa himpilan ng pulisya kung saan siya umano sinaktan.
Sinabi ni G. Bedania na idinadaing ng kanyang anak ang hirap na paghinga dahil sa pagsuntok sa kanyang dibdib.
Isinailalim sa pagsusuring medikal ang binata sa SIGH at ilalabas bukas ang resulta nito.
Sinabi naman ni Gng. Maricel Bendania, ina ni Alexander na
kusang pumunta sa PNP station ang kanilang mga kabarangay sa purok 6 at 7 ng Turod Sur para igiit na inosente ang anak sa paratang ng mga pulis na siya ay nahulihan ng granada at nagbebenta ng droga.
Sinabi pa ng ginang na noong gabi na pinuntahan niya ang anak sa himpilan ng pulisya ay sinabi sa kanya ng mga pulis na sangkot siya sa carnaping at pagnanakaw ngunit tanghali kinabukasan nang dalhan nila ng pagkain ang anak ay sinabi ng mga pulis na nahulihan si alexander ng granada sa kanyang bulsa gayong walang bulsa ang suot na jersey noong siya ay huliin.
Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ng mga kasapi ng Cordon Police Station ngunit ang kanilang hepe at Deputy Chief ay nasa umanoy seminar.




