CAUAYAN CITY – Labis na nabigla at nanghihinayang ang mga kasamang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Isabela ang biglang pagpanaw ni P/Sr. Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng pulisya sa Mallig, Isabela matapos mabaril sa isinagawang anti-drug operation dakong alas diyes kagabi.
Si Tubania ay binawian ng buhay habang ginagamot sa isang pribadong ospital sa Roxas, Isabela dahil sa malubhang tama ng bala sa kanyang tagiliran matapos siyang paputukan ng isa sa dalawang suspek sa kanilang anti-drug operation malapit sa isang videoke bar Centro 1, Mallig.
Patuloy ang pagtugis ng mga otoridad sa mga tumakas na drug suspek sakay ng motorsiklo.
Si Sr. Inspector Tubania, 31 anyos, may-asawa at isang anak at nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2011 ay inilarawan ng mga tauhan at kapwa hepe ng pulisya na responsible, mabait, masayahing tao, alerto at hands-on na hepe ng pulisya.
Sinabi ng kanyang mga tauhan sa Mallig Police Station na kahapon, dahil Fathers Day ay nagpakain pa si Sr. Inspector Tubania.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Rafael Pagalilauan, hepe ng Ilagan City Police Station na isa sa mga unang nakiramay sa burol ni Tubania sa na mabait at responsible at patunay na hindi nagpapabaya sa trabaho ang opisyal dahil kahit linggo ay pinangunahan ang drug operation.
Sinabi naman ni P03 Julius Abon, investigator ng San Mateo Police Station na halos dalawang taon din nilang nakasama si Tubania bilang deputy chief of police.
Nabigla sila sa pangyayari dahil kilalang alerto si P/Sr. Inspector Tubania.
Marami silang operasyon sa bayan ng San Mateo na siya ang nanguna at nagtagumpay lalo na sa anti-drug operation.




