CAUAYAN CITY- Makikipagtulungan ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa mga barangay hinggil sa paghuli sa mga tambay pagsapit ng 10:00 pm.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Chief Inspector Benigno Asuncion, Deputy Chief ng Cauayan City Police Station na nagsimula ngayong gabi ang kanilang panghuhuli sa mga tambay pangunahin na sa mga menor de edad.
Alinsunod anya ito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiwasan ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Matatandaang nagkaroon ng serye ng nakawan Cauayan City na kinasangkatan ng mga menor de edad.
Anya, magtutulungan ang mga tanod sa mga barangay at mga pulis para sa kampanya laban sa mga tambay at laban sa krimen.
Tinututukan din ng pulisya ang pagpapatupad sa ordinansang nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.




