--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na hinahangaan ang binatang triplets mula sa Sta. Maria, Isabela na magtatapos na Cum laude sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Isabela State University – Cabagan Campus.

Kaninang umaga ang recognition rites sa batch ng mga triplets na 20 anyos na sina Ace, King at Jack Pagaran habang bukas ang kanilang graduation sa nasabing unibersidad.

Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Leliza Pagaran na labis siyang natutuwa na magtatapos na Cum laude ang triplets na anak na puspusan nilang itinaguyod ang kanilang pag-aaral sa gitna ng hirap na kanilang nararanasan.

Sinabi ni Gng. Pagaran na nagsakripisyo silang mag-asawa na igapang ang pag-aaral ng kanilang triplets para magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

--Ads--

Ang unang gusto ng mga anak na kurso ay B.S. Criminology ngunit wala nang slot nang sila ay mag-enrol.

Sinabi pa ni Gng. Pagaran na kapag nangungutang siya noon para sa pangangailangan ng mga anak sa kanilang pag-aaral ay sinasabihan siya na bakit kasi pinagsasabay ang kanilang pag-aaral gayong hindi naman nila kaya.

Gayunman, dahil sa malaking achievement ng kanilang binatang triplets sa kanilang pag-aaral ay parang nahihiya na ang mga taong minaliit noon ang kanilang kakayahan na mapag-aral ang kanilang mga anak.

Ang maliit na lupang sinasaka ng kanyang mister ay ibinenta nila sa kanyang kapatid ngunit sinasaka pa rin nila at porsiyentuhan na lamang ang kanilang kita.

Sinabi naman ng ikalawa sa triplets na si King Pagaran na ang kanilang tiyuhin na agriculturist na si Mr. Rexon Baldova ang humikayat sa kanila na kumuha ng B.S. Agriculture dahil libre ang matrikula at miscellaneous fees lamang ang babayaran.

Kapwa sinabi nina King at Jack na naging hamon at inspirasyon nila ang kanilang kahirapan at ang hangaring matulungan ang mga magulang para pagbutihin ang kanilang pag-aaral at makatapos na Cum laude.

Kahit libre ang kanilang matrikula ay malaki pa rin ang gastos sa pag-aaral ng triplets kaya nagtrabaho sila sa bukid ng ibang magsasaka tulad ng pagtatanim ng mais at palay para mayroon silang dagdag na allowance.

Ang panganay sa triplets na si Ace ay pinalaki ng kanilang lola na kapitbahay din nila sa Sta. Maria, Isabela.