--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ng chancellor ng Diocese of Ilagan na nagalit siya sa mga makulit na nagtitinda sa loob ng compound ng Our Lady of the Visitacion sa Gamu, Isabela ngunit nilinaw na hindi siya nanakit ng tao.

Ito ang tugon ni Fr. Greg Uanan, chancellor ng Diocese of Ilagan at rector ng Shrine of Our Lady of Visitacion na nagdiwang kahapon ng kapistahan kaugnay ng nag-viral na video ng kanyang galit’ na pagpapaalis ng mga nagtitinda sa compound ng simbahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Fr. Uanan na ang nakita sa video na tinadyakan niya ay hindi tao kundi mga panindang pamaypay na nakaharang sa driveway na daanan ng mga pari na magmimisa.

May inilagay silang tarpauline sa harapan ng simbahan na huwag gawing palengke ang tahanan ng ama tulad ng Biblical pasage na sinabi ng Poong Hesukristo ngunit walang epekto sa mga nagtitinda.

--Ads--

Sinabi ni Fr. Uanan na napanood niya ang video na nangyari noong Linggo, July 1, bisperas ng pista ng Our Lady of the Visitacion.

Inamin niya na nagagalit siya sa video sapagkat nagrereklamo ang mga nagsisimba dahil makulit ang mga vendor.

Sinusundan nila ang mga nagsisimba at ipinipilit ang kanilang mga paninda hanggang sa pagpasok nila sa simbahan.

Ayon kay Fr. Uanan, nagkaroon ng warning sa mga nagtitinda dahil araw-araw mula nang magsimula sa novena mass bago ang pista ay madalas pagsabihan ng kanyang mga staff at mga barangay tanod ang mga nagtitinda ngunit hindi sila sumusunod.

Kunwari aalis sila kapag pinagsabihan ngunit babalik din agad.

Sinabi ng chancellor ng Diocese of Ilagan na dahil maraming tao na ang nagrereklamo at binabantaan ang kanyang mga staff at pinagsasabihan siya nang masama ay napuno na rin siya ngunit mariin niyang itinanggi na siya ay nanampal at nagmura tulad ng paratang ng nagpost ng video.

Sinabi pa ni Fr. Uanan na malungkot na masaya sa nag-trend na video dahil marami ang nagtanggol sa kanya lalo ang mga nagsisimba sa Our Lady of Visitacion.

Sa pagdiriwang ng pista sa susunod na taon, sinabi ni Fr. Uanan na kahit gagastos sila ay maglalagay sila ng barrier na kadena at kukuha sila ng 2 security guard sa loob ng isang buwan hanggang kapistahan.