--Ads--

CAUAYAN CITY –Inihahanda na ang kasong illegal possesion of firearms laban sa isang magsasaka na nasamsaman ng isang baril at ilang bala makaraang silbihan ng search warrant sa Isabela.

Ang sinilbihan ng search warrant ay si Arnold Lappag, 38 anyos, may-asawa isang magsasaka at residente ng San Mariano, isabela .

Sa pamumuno ni P/Senior Inspector Gary Macadangdang ,deputy chief of police ng San Mariano Police Station isinilbi ang search warrant na ipinalabas ni Judge Isaac de Alban ng Regional Trial Court Branch 16 Ilagan City .

Nagresulta ito sa pagkakadiskubre ng mga pulis ng isang Cal. 38 na baril na may 6 na bala, dalawang basyo ng bala at tatlong piraso ng bala ng 12-gauge shotgun.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Rey Tad-o, hepe ng San Mariano Police Station na matagal nang inirereklamo ang suspek ng kanyang mga kabarangay dahil madalas maglabas at magpaputok ng baril.

Dahil dito humingi ang pulisya na magpalabas ng search warrant ang hukuman upang matuldukan na ang illegal na paggamit ng baril ng suspek at pagkatakot ng mga mamamayan.

Walang maipakitang papeles ng baril ang suspek at sinabing nabili sa isang kakilala upang magamit bilang kanyang proteksiyon.

Inaalam na ng pulisya kung nagamit sa krimen ang nasabing baril.