--Ads--

CAUAYAN CITY – Napatay ng mga kasapi ng Roxas Police Station ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isinagawang Anti-Criminality Checkpoint sa Brgy. San Placido, Roxas, Isabela.

Napansin ng mga kasapi ng Roxas Police Station ang isang lalaking nakasakay sa itim na motorsiklo na biglang umatras sa isinasagawa nilang checkpoint sa kahabaan ng lansangan sa San Placido, Roxas, Isabela.

Nagtaka ang mga pulis kaya’t kanilang sinundan ang suspek at napansin din nila na ang sakay na motorsiklo ay ang nawawalang motorsiklo ni Helen Reyes Deray.

Naghabulan ang mga pulis at ang suspek.

--Ads--

Huminto pa umano ang suspek saka dalawang beses na naghagis ng granada sa mga pulis habang siya ay hinahabol.

Pinaputukan na ng mga pulis ang suspek na nagdulot ng kanyang kamatayan.

Sa pagsisiyasat ng mga pulis, nakakuha pa sila ng isang granada sa motorsiklong ginamit ng suspek, mga pera, pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa isang papel, apat na piraso ng basyo ng Cal. 45 baril, isang basyo ng bala ng 9mm pistol, identification na may nakalagay na pangalan na Jhon Mark Rafael Reyes Deray at ilang larawan.

Ang suspek ay may taas na 5′ , may edad sa pagitan ng 20 at 30 anyos, kayumanggi ang balat, nakasuot ng t-shirt na itim at shortpants na kulay black at blue.