--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Roxas Police Station ang magkapatid at isa pang lalaki dahil sa paggamit ng illegal na droga sa Bantug, Roxas, Isabela

Ang dinakip na magkapatid ay sina Jonathan Ancheta, 37 anyos at Alfredo Ancheta, 28 anyos, binata, kapwa mekaniko at kapwa residente ng Marcos, Roxas, Isabela at si Jessie Urbano, 35 anyos, may-asawa, isang butcher at residente ng Tuguegarao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Engelbert Bunagan, hepe ng Roxas Police Station na mayroon silang natanggap na impormasyon na kasalukuyang gumagamit ng illegal na droga ang tatlong pinaghihinalaan sa isang bakanteng lote.

Ang tatlo ay nag-iinuman at sa paglapit ng mga pulis sa kanila ay natagpuan ang isang stick ng hinihinalang marijuana na kanilang ginagamit.

--Ads--

Ayon pa kay Chief Inspector Bunagan, hindi ito ang unang pagkakataon na masangkot sa illegal na droga si Alfredo Ancheta dahil nauna na siyang nadakip sa Santiago City na gumagamit ng illegal na droga ngunit napawalang sala dahil sa kakulangan ng ebedensiya .

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ( Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 )ang tatlong suspek.