--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment o DOLE na mapapanagot ang recruitment agency na hindi tumulong sa isang Overseas Filipino Worker na umuwing bulag dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo.

Tugon ito ni Atty. Bello sa panayam ng mga kagawad ng media kabilang ang Bombo Radyo Cauayan hinggil sa masaklap na sinapit ng Ofw na si Merly Rivera, 43 anyos, residente ng Salinungan West, SanMateo, Isabela.

Ang OFW ay umuwi na hindi makakita ang mga mata at hindi na maayos ang paglakad dahil sa pangmamaltrato ng kanyang mga amo sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Sinabi ni Gng. Rivera na sinabuyan ng mainit na tubig ang kanyang mukha kaya naapektuhan ang kanyang mga mata. Pinapalo rin ang kanyang mga binti kaya naapektuhan ang kanyang paglakad.

--Ads--

Nais ni Gng. Rivera na ma-blacklist ang kanyang dating amo dahil nangangamba siya na pagmamalupitan din ang Pinay na pumalit sa kanya.

Sinabi ni Atty. Bello na pagmumultahin o kakanselahin ang lisensiya ng recruitment agency kung mapapatunayan na pinabayaan ang ipinadalang ofw sa UAE.