--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong robbery with frustrated homicide ang isang menor de edad matapos umanong hablutin ang bag at saksakin ang isang babae sa Cauayan City.

Ang suspek ay itinago sa pangalang John, 16 anyos habang biktima ay si Mary Joy Agustin, 27 anyos, dalaga, isang manggagawa sa pribadong sektor at kapwa residente ng Tagaran, Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station naganap ang insidente habang pauwi ang biktima ay bigla nalang lumapit ang suspek at saka hinablot ang bag ng biktima na naglalaman ng isang cellphone, Php600.00 at iba’t ibang ID.

Nanlaban ang biktima kaya sinaksak siya ng suspek.

--Ads--

Nagawang tumakbo ng biktima at nakauwi sa kanilang bahay kung saan agad naman siyang isinugod sa pribadong ospital para malapatan ng lunas.

Nakilala ng biktima ang suspek kaya nagsagawa ang pulisya ng manhunt operation na nagresulta naman sa pagkakadakip ng binatilyo.

Nasa pangangalaga na ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kakulang kaso laban sa kanya.